MANILA, Philippines – Walang areas of concern na naitala o naiulat ang Commission on Elections sa Antipolo City kung saan idaraos ang special election sa ikalawang distrito nito para punan ang nabakanteng pwesto ng dating kinatawan nito.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, walang kontrobersya o problema na namo-monitor at walang violence na nangyayari dahil napakatahimik nang buong lugar.
Pero aniya, binabantayan nila ang isyu ng vote buying o issue na maling paggamit ng mga pondo ng bayan.
Binigyang-diin ni Garcia na bawal na bawal ang mamigay ngayon sampung araw bago ang election, ng mga ayuda maliban na lamang ng tulong para sa mga namatayan.
“So yan minomonitor ni Comelec. So far wala po tayong areas of concern na konokonsider diyan at yung AFP/PNP kasama na rin po ang bureau of fire protection ay nakipagtutulungan sa atin,” pahayag ni Garcia.
Dagdag pa ni Garcia, magkakaroon sila ng pagpupulong sa Miyerkules para malaman ang pinaka-latest na peace and order situation bago ang halalan sa Sabado Marso 14. Jocelyn Tabangcura-Domenden