MANILA, Philippines – NILINAW ng Department of Foreign Affairs (DFA) na walang Pinoy ang inaresto sa isinagawang pagsalakay ng United States immigration authorities sa Hawaii nito lamang unang bahagi ng buwan.
Nito lamang Mayo 6 ay sinalakay ng US Immigration and Customs Enforcement (ICE) ang bahay ng grupo ng mga guro sa Kahului, Maui, at pansamantalang dinitene ang mga ito. Kabilang sa mga detenido ay Filipino nationals na legal na nagtatrabaho sa Hawaii na may J-1 visas.
“The Philippine Consulate General in Honolulu has reached out to the Filipino J-1 teachers in Maui who were affected by an operation of the US Immigration and Customs Enforcement (ICE). They informed the Consulate that none of them have been arrested and they are safe and in good condition,” ang sinabi ni DFA Spokesperson Ma. Teresita Daza sa isang kalatas.
Sinabi ng Konsulado na patuloy niyang masusing sinusubaybayan ang developments at nananatiling handa na magbigay ng tulong kung kinakailangan.
Sa kabilang dako, tinuligsa ni Senator Brian Schatz of Hawaii ang nasabing immigration operation at itinuring na isang “outrageous,” inilarawan ito bilang isang “racial profiling” na naglalayon na manakot.
Samantala, sa isang kalatas ng ICE, sinabi nito na saglit na dinitene ang mga guro “for the safety of the agents and the occupants.” Kris Jose