Home HOME BANNER STORY Walang taas-pasahe sa jeepney sa kabila ng PUV modernization program – LTFRB

Walang taas-pasahe sa jeepney sa kabila ng PUV modernization program – LTFRB

MANILA, Philippines – Pinabulaanan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang kumakalat na balita ng umano’y taas-singil sa pamasahe sa jeepney kasunod ng implementasyon ng public utility vehicles (PUV) modernization program.

Iginiit ni LTFRB Chairperson Teofilo Guadiz III na mananatili ang kasalukuyang pamasahe sa jeepney.

“There is no basis to implement fare hikes for public utility vehicles (PUVs)… Several factors such as inflation and cost of fuel must be considered before the agency approves a new fare increase,” ani Guadiz.

Ang pahayag ng LTFRB ay kasunod ng sinabi ng local chapter ng PISTON na posibleng humirit ng mas mataas na singil sa pamasahe ang mga jeepney driver ng hanggang P25 dahil sa financial pressures sa pagbili ng modern jeepney units.

Nauna nang sinabi ng Department of Transportation (DOTr) na aabisuhan ang mga operator at drayber na binawi na ang kanilang prangkisa “a week or two” matapos ang consolidation deadline noong Abril 30.

Hinimok ng DOTR ang unconsolidated operators at mga drayber na huwag nang pumasada sa kakulangan nila ng prangkisa.

Taong 2017 nagsimula ang PUVMP na naglalayong palitan ang mga jeepney ng mga unit na may Euro 4-compliant na makina para mabawasan umano ang polusyon. Layon din nitong palitan ang mga unit na hindi na “roadworthy” ayon sa standards ng Land Transportation Office. RNT/JGC