Home HOME BANNER STORY Walang term extension para kay Marantan- Malakanyang

Walang term extension para kay Marantan- Malakanyang

1
0

MANILA, Philippines – SINABI ng Malakanyang na hindi na palalawigin pa ang active service ni Calabarzon regional director Police Brigadier General Hansel Marantan na nakatakda sanang magretiro ngayong buwan.

Nauna nang hiniling ni DILG Secretary Jonvic Remulla sa National Police Commission (Napolcom) na palawigin ng isang taon ang active service ni Marantan, ang kasalukuyang regional director ng PRO-4A (Calabarzon).

“Wala pong extension para po kay General Marantan. At maaari po siyang makatulong sa ibang pamamaraan,” ang sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.

Nauna rito, sa isang liham na ipinadala sa Napolcom, sinabi ni Remulla na ang kahilingan ay “para sa interes ng serbisyo” upang matiyak ang pagpapatuloy ng mahahalagang operasyon na kasalukuyang pinamumunuan ni Marantan.

Ayon pa sa kalihim, mahalaga ang pagpapatuloy ng mga high-impact operation sa ilalim ng pamumuno ng heneral.

Nakatakda sanang magretiro si Marantan sa Hulyo 10 sa edad na 56, na siyang mandatory retirement age sa Philippine National Police.

Sa ilalim ng Republic Act No. 6975 o DILG Act, maaaring pahabain ng Napolcom ang serbisyo ng isang police general sa loob ng isang taon kung kinakailangan pa ang serbisyo nito sa gobyerno. KRIS JOSE

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here