Home METRO #WalangPasok sa Batanes sa Nov. 28 para sa special election

#WalangPasok sa Batanes sa Nov. 28 para sa special election

1
0

MANILA, Philippines — Idineklara ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na special non-working day ang Nobyembre 28, 2026, Sabado, sa Batanes upang bigyang-daan ang special election para sa nabakanteng puwesto ng lalawigan sa House of Representatives.

Sa ilalim ng Proclamation No. 1522, layunin ng deklarasyon na mabigyan ng pagkakataon ang mga rehistradong botante na makilahok sa halalan.

Isasagawa ang special election matapos pumanaw si Batanes Rep. Ciriaco Gato Jr. noong Setyembre 21.

Alinsunod sa Republic Act No. 6645, na inamyendahan ng RA 7166, kailangang magsagawa ng special election kapag nagkaroon ng permanenteng bakante sa Kamara nang hindi bababa sa isang taon bago matapos ang termino.

Ayon sa Commission on Elections (Comelec), may 13,138 rehistradong botante sa Batanes na maaaring lumahok sa halalan.

Apat na kandidato ang maglalaban para sa nag-iisang congressional seat ng lalawigan.

Kabilang sa mga kandidato sina dating Batanes Governor Marilou Cayco, Luis Andres Abad, John Gato at retiradong opisyal ng Philippine Navy na si Edward Ike De Sagon.

Gagamit ng manual voting system sa 46 clustered precincts na nakakalat sa 29 barangay ng Batanes.

Nakatakdang isagawa ang botohan sa Nobyembre 28, habang magpapatuloy ang paghahanda ng Comelec para sa special election. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here