MANILA, Philippines- Arestado ang isang farm helper na wanted sa kaso ng panggagahasa matapos madakip ng pulisya sa ikinasang manhunt operation sa Malabon City.
Ayon kay Malabon City Police Station chief P/Col. Jay Baybayan, nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa kinaroroonan ng 49-anyos na akusado na kabilang sa talaan ng mga Most Wanted Person (MWP) sa lungsod.
Agad bumuo ng team ang mga tauhan ni Col. Baybayan saka ikinasa ang pagtugis sa akusado hanggang sa makorner nila ito sa Roque St., Brgy. Tonsuya dakong alas-12:05 ng hating gabi.
Dinakip ang akusado ng mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section (WSS) ng Malabon CPS sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong Rape na inisyu ng Malabon City Regional Trial Court Branch 169, noong September 25, 2018.
Pansamantalang nakapiit ang akusado sa custodial facility unit ng Malabon CPS habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa hukuman para sa paglilipat sa kanya sa City Jail.
Pinuri naman ni P/BGen. Josefino Ligan, District Director ng Northern Police District (NPD), ang hindi natitinag na pangako ng Malabon CPS. Muli niyang pinagtibay ang walang humpay na paghahangad ng katarungan at dedikasyon ng NPD sa paghahanap sa mga wanted na indibidwal. Rene Manahan