MANILA, Philippines — Kumilos na ang lokal na pamahalaan ng Bani, Pangasinan upang protektahan ang mga magsasaka ng pakwan laban sa mga buyer na gumagamit ng mapanlamang na transaksiyon.
Sa panayam nitong Sabado sa pagbubukas ng Pakwan Festival, sinabi ni Vice Mayor Gwen Palafox-Yamamoto na may mga ulat ng buyer na nagbibigay ng paunang bayad ngunit sinasadyang patagalin ang pagkuha ng ani hanggang bumaba ang presyo.
Dahil dito, sinimulan ng munisipyo ang pagbuo ng mga asosasyon ng magsasaka at ang akreditasyon ng mga buyer upang matiyak na lehitimo ang mga ka-transaksiyon at may pananagutan sa anumang iregularidad.
Ayon kay Yamamoto, mula sa lima hanggang 10 magsasaka noong 1986, umabot na ngayon sa 800 hanggang 1,000 watermelon farmers mula sa pitong barangay sa bayan.
Tinatayang nasa 4,000 metriko tonelada ng pakwan ang produksyon ng Bani noong 2025, na karamihan ay ibinabyahe sa Maynila at mga karatig-probinsiya gaya ng Nueva Ecija, Laguna at Tagaytay.
Patuloy rin aniya ang suporta ng LGU sa mga magsasaka sa pamamagitan ng farm input subsidies, lalo na sa gitna ng mataas na presyo ng pataba.
Kasabay ng Pakwan Festival, binuksan din ang Agri-Trade Fair na tatagal hanggang Pebrero 8, kung saan tampok ang sariwang pakwan, gulay, isda at mga produktong may dagdag-halaga gaya ng pakwan wine, chips, jam at pickle. Libre rin ang pwesto para sa mga magsasaka.
“Inaanyayahan namin ang lahat na bumisita sa Bani at tikman ang pinakamatamis na pakwan sa Pilipinas,” ani Yamamoto. RNT/JGC