Home METRO Welder na nagwala sa burol tepok sa suntok ng mag-utol

Welder na nagwala sa burol tepok sa suntok ng mag-utol

COTABATO- Tepok ang isang welder matapos patikimin ng mala-kamaong suntok ni Manny “Pacman” Pacquiao ng magkapatid makaraang magwala ang una sa burol ng ina ng mga huli, kagabi sa bayan ng Banisilan.

Kinilala ang biktimang si Arsenio Baylon, nasa hustong gulang at residente ng Purok 5, Barangay Gastav, Banisilan, Cotabato.

Sumuko naman sa pulisya ang magkapatid na suspek na sina Ryan at Ranillo, kapwa nakatira sa nabanggit na lugar.

Batay sa report ng Banisilan Municipal Police Station, bandang alas-11:45 ng gabi nang maganap ang insidente sa naturang lugar.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, lango sa alak na nagtungo ang biktima sa burol ng ina ng magkapatid na suspek at nagwala ito.

Sa kabila ng pag-awat sa biktima ng kanyang mga kapitbahay ay hindi man lamang ito nagpaawat hanggang sa pakawalan ito ng malakas na suntok ng magkapatid dahilan para bumagsak ito sa lupa.

Agad namang dinala sa ospital ang biktima para lapatan ng lunas subalit idineklara na rin itong patay ng umatending doktor.

Matapos ang insidente ay tumakas ang magkapatid na suspek pero kalaunan ay sumuko din sa pulisya at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso. Mary Anne Sapico