Home OPINION WHAT’S HAPPENING TO THE POLICE, GENERAL?

WHAT’S HAPPENING TO THE POLICE, GENERAL?

NANG umupo bilang Philippine National Police chief si P/Gen. Rommel Francisco Marbil, sinabi nitong nadatnan niyang wala nang gaanong gagawing pagdisiplina sa mga pulis dahil disiplinado na at tapat sa tungkulin ang mga ito.

Kaya naman, ‘yung pagpapabuti nang higit pa sa kalagayan ng mga pulis ang kanyang pinangarap para sa kanila at kasama na iyon ang isang programang pangkalusugan.

Pero mahigit pa lang dalawang buwan siyang nakaupo, may mga nagaganap nang hindi kanais-nais sa hanay ng pulisya.

Pinakamatindi ang buom-buo na pananahimik ng mga pulis sa mga pinagkakaperahan at iligal gaya ng binabantayan nilang mga POGO sa Tarlac, Pampanga, bilang pinakahuling pangyayari.

Meron ding kidnapping for ransom sa mga foreigner gaya ng kaso ng mga pulis, kasama ang isang police major, na nabuking sa Pasay kamakailan lang.

May ‘carnapping ring’ ding nabuko sa Parañaque City na kinasangkutan umano ng isang colonel na nagmukhang lider at isang biktima nila ang taga-Bamban, Tarlac.

Meron ding mga sangkot sa droga, kotong at iba pa.

Ang sabi, kakaunti lang ang bugok na itlog at nakararami pa rin ang tapat sa tungkulin.

At agad na pinasisibak ang mga bugok bilang paglilinis sa mantsang kumakapit sa dangal ng mga pulis.

Naniniwala naman tayo, mga brad, sa paglilinis sa pulisya.

Pero gaano karami ang bugok na dapat kalusin at gaano katagal para gawin ito?

Noong panahon ni Pangulong Digong Duterte, itinaas ang sahod ng lahat ng pulis upang maiwasan na ang tukso sa pera-perang pagganap ng tungkulin pero marami pa rin ang nahuhulog sa tukso.

Sa halip, ginagamit pa rin ang mga baril, tsapa at uniporme upang higit nilang maisakatuparan ang mga gawaing iligal para sila magkasalapi.

Nagbubunga tuloy lahat ng napakalungkot na kalagayan – malamig, walang giliw at may takot na pakikitungo ng maraming mamamayan sa maraming pulis.

What’s happening to the police, General?