MANILA, Philippines – Isang dating empleyado ng National Irrigation Administration (NIA)-Region 10 na nagsiwalat umano ng katiwalian sa ahensya ang pinaslang sa Cagayan de Oro City nitong Biyernes ng gabi.
Kinilala ng pulisya ang biktima bilang si Niruh Kyle Antatico, 40-anyos at isang Juris Doctor graduate, na binaril ng mga lalaking sakay ng motorsiklo bandang alas-7 ng gabi sa Zone 1, Crossing Patag. Dead on the spot ang biktima.
Mariing kinondena ni Cagayan de Oro Rep. Lordan Suan ang pamamaslang, na tinawag niyang “isang karumal-dumal na atake hindi lamang sa isang tao kundi sa mga prinsipyo ng katotohanan at katarungan.” Hinimok niya ang pulisya na magsagawa ng mabilis at transparent na imbestigasyon.
Tiniyak naman ng NIA-Northern Mindanao na seryosong tinutugunan ang mga alegasyon ni Antatico at iginiit na hindi nito pinapayagan ang anumang iregularidad sa kanilang mga proyekto. RNT