MANILA, Philippines – Iginiit ni Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Interreligious Dialogue at convenor ng White Ribbon Movement, na dapat manatiling buhay sa kamalayan ng publiko ang isyu ng korapsyon para mapanagot ang lahat ng sangkot.
Layon ng pagkilos ang ipagpatuloy ang panawagan para sa pananagutan at repormang pampulitika.
Hinimok ang mga mambabatas at hudikatura na huwag kalimutan at masusing imbestigahan ang mga kaso ng korapsyon sa gobyerno.
Binigyang-diin ni Bishop Bagaforo na gawing prayoridad bago ang SONA ang pagsasabatas ng tunay at ganap na Anti-Political Dynasty Law para matapos ang umiiral na political dynasty.
Ayon kay Antipolo Bishop Ruperto Santos, huwag kalimutan ang pinsala ng korapsyon lalo na sa maling paggamit ng pondo sa flood-control projects. Dapat ituloy ang imbestigasyon para mailantad ang katotohanan at mapanagot ang mga responsable.
Puti ang simbolo ng pagkilos bilang tanda ng pagkakaisa, non-partisan, at adhikaing para sa common good.
Nagpahayag ng suporta ang Diyosesis ng Daet, Legazpi, Antipolo, at iba pang diyosesis/arkidiyosesis.
Hinikayat ng mga obispo ang lahat na magsuot ng puti o puting laso sa Misa, at maglagay ng puting laso sa tahanan, paaralan, opisina, at simbahan bilang tanda ng pakikiisa.
Sinabi ni Bishop Abcede at Bishop Baylon na ang pakikibahagi ay panalangin para sa mabuting pamamahala, pananagutan, at tunay na katarungan.
Ayon sa mga obispo, tanging sa Panginoon nagmumula ang tunay na kapayapaan at katarungan, kaya dapat ituloy ang pagsusumikap para sa pagbabago at hindi ito matapos sa isang araw lang. Jocelyn Tabangcura-Domenden