MANILA, Philippines – Sinusuportahan ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang mungkahi na payagan ang mga empleyado ng Senado na mag-work from home (WFH) bilang bahagi ng hakbang sa pagtitipid ng enerhiya dahil sa epekto ng tensyon sa Middle East.
Ayon kay Sotto, inirekomenda ni Senate Secretary Mark Llandro Mendoza na payagang WFH ang mga empleyadong hindi kailangan palaging mag-report sa Senado. “That’s a good suggestion because we should do anything we can to help. Even small contributions can make a big difference,” ani Sotto.
Layunin ng hakbang na mabawasan ang konsumo ng kuryente at gasolina. Kasabay nito, iniisip din ng Senado ang pagtatayo ng shower facilities para sa mga empleyadong nagba-bike o naglalakad papunta sa opisina.
Inaabangan na ang implementasyon ng WFH scheme ay maaaring magsimula pagkatapos ng Holy Week. Ang hakbang na ito ay kaakibat ng utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. noong Marso 9, 2026, na pansamantalang ipatupad ang apat na araw na onsite workweek sa lahat ng tanggapan ng Executive branch at iba pang energy conservation measures. RNT/MND