MANILA, Philippines – IPINAG-UTOS ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na i-extend ang construction hours at round-the-clock emergency repairs sa mga government infrastructure projects bilang bahagi sa “Build, Better, More” program ng administrasyon.
Sa maikling video message na naka-post sa Facebook, sinabi ng Pangulo na ang kanyang direktiba ay naglalayon na tiyakin ang mabilis at napapanahong pagkompleto sa mga pangunahing infrastructure projects.
“Under the Build, Better, More, program, we will intensify ongoing infrastructure projects. Construction hours will be extended and emergency repairs will be conducted round-the-clock to ensure timely completion,” ayon sa Punong Ehekutibo.
Winika pa nito na ang mga proyekto na makatutugon sa quality requirements ay ipaprayoridad bilang bahagi ng Inisyatiba ng pamahalaan sa climate change at siguraduhin na ang mga imprastraktura ay makatatagal sa mga kalamidad.
“Para hindi nape-perwisyo ang publiko sa mga substandard na imprastraktura na kailangang paulit-ulit na ayusin pagkalipas ng ilang taon lamang o pagkatapos ng bagyo,” aniya pa rin. Kris Jose