MANILA, Philippines – TUMAAS ng 22% ang net worth ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong 2025. Base sa kanyang pinakabagong Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN), umabot ito sa P475.93 milyon.
Sinasabing nagsimulang tumaas ang net worth ng Punong Ehekutibo nang maupo siya bilang halal na Pangulo ng bansa noong 2022.
Sa katunayan, noong 2022, ang net worth ni Pangulong Marcos ay P371.49 milyon, P381.45 milyon naman noong 2023, at P389.36 milyon noong 2024.
Ang P86.57 milyong pagtaas ng net worth ng Pangulo ay bunga ng paglobo ng dineklara nitong cash at bank deposit. Tumaas din ang kanyang investment mula sa P134.19 milyon noong 2024 at naging P178.6 milyon noong 2025.
Bukod dito, nadagdagan naman ng P3.6 milyon ang koleksiyon ng alahas ni Pangulong Marcos at mayroon din itong 138 piraso ng paintings. Kabilang dito ang 1883 Jose Rizal artwork na niregalo umano sa kanya noong 1993 at nagkakahalaga na ngayon ng P3 milyon.
Itinuturing na pinakamahal niyang painting ang obra ni Fernando Amorsolo na nabili niya ng P3.04 milyon noong 2022 pero nagkakahalaga na ng P8 milyon “as of December 2025.” May mga koleksiyon din ang Pangulo ng obra ni Ben Cabrera na nagkakahalaga ng kabuuang P11.65 milyon.
Maliban pa rito, may koleksiyon din siya ng mamahaling sasakyan tulad ng Mercedes-Benz Maybach na nabili niya ng P10.5 milyon noong Abril 2023, at GMC Yukon Denali XL na nabili sa halagang P9.5 milyon noong Agosto 2022.
Kalakip naman ng SALN ni Pangulong Marcos ang appraisal report mula sa Cuervo Appraisers, Inc., kung saan lumalabas na ang kabuuang appraised net worth nito ay nasa P1,457,031,222.53.
Samantala, makikita rin sa SALN ng Pangulo na wala itong “outstanding loans” o anumang utang simula 2022.
Matatandaang noong Oktubre 2025, sinabi ng Malacañang na handa si Pangulong Marcos na ipalabas ang kanyang SALN sa “proper authority” at alinsunod sa alituntuning inilatag ng Ombudsman matapos ang alegasyon ng korapsyon na iniuugnay sa maanomalyang flood control programs na puminsala sa gobyerno noong nakaraang taon. (Kris Jose)