Home HOME BANNER STORY Zaldy Co huling namataan sa Japan – SILG Remulla

Zaldy Co huling namataan sa Japan – SILG Remulla

337
0

MANILA, Philippines – Huling natagpuan sa Japan si dating Ako Bicol party-list representative Zaldy Co, ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla noong Biyernes.

Ang mga pahayag ni Remulla ay matapos sabihin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na si Co at 17 iba pa ang nabigyan ng warrant of arrest.

“Hindi kami maiisahan dito. As long as we have the legal authority, kukunin namin sya,” saad ni Remulla sa isang pahayag.

Ayon pa kay Remulla, sa kasong isinampa sa korte laban kay Co, isang red notice naman ang ilalapat laban sa kanya sa International Police (Interpol). Kikilos din ang DILG para hilingin sa Department of Foreign Affairs (DFA) na kanselahin ang pasaporte ng dating mambabatas.

Noong Setyembre, sinabi ng House of Representatives na si Co ay lumipad sa Estados Unidos para sa medikal na paggamot.

Ipinakita ng mga rekord ng US Customs and Border Protection na dumating si Co sa New York noong Agosto 26 at umalis noong Setyembre 13.

Nilinaw ni Remulla na walang impormasyon ang DILG tungkol sa kasalukuyang kinaroroonan ni Co, ngunit idinagdag na ang kanyang mga dating lokasyon ay ang US, Europe, Singapore, Portugal, Spain, pagkatapos ay Japan.

Sinabi rin ng DILG chief na titingnan ng mga awtoridad ang mga address ni Co sa Pilipinas kung sakaling nakabalik na siya sa bansa.

“Hindi natin alam kung nasaan siya pero maaari siyang pumasok dito kaya titingnan lahat ng bahay niya,” saad ni Remulla.

“Titingnan ang video surveillance ng opisina nya at titingnan if he’s here in the last five month,” dagdag niya.

Samantala, sinabi rin ni Remulla na titingnan nila ang mga ulat na may Portugese passport si Co, na nagsasabing ang dating mambabatas ay maaaring protektahan ng Portugal kung nakuha niya ito bago ang mga kaso.

“Depende ‘yan kung saan siya magtatago kasi ang dalawang lugar kung saan hindi namin sya makukuha ay sa China at Russia. Ang diplomatic ties natin doesn’t extend to police,” ani Remulla.

“Ang Malaysia at Portugal, wala tayong extradition treaty. ‘Yung apat na bansang ‘yun mahihirapan tayo kung dun siya pupunta, otherwise makukuha natin,” dagdag pa niya.

Sinabi ng kapatid ng DILG chief na si Ombudsman Jesus Crispin Remulla, na nananatiling handa ang kanyang tanggapan na magbigay ng proteksyon kay Co sakaling magdesisyon siyang bumalik sa Pilipinas.

Ayon pa kay Remulla, bumuo ang pamahalaan ng mga tracker team para arestuhin ang mga umano’y sangkot sa mga flood control projects.

“In anticipation of that, naka-tracker team na kami sa kanilang lahat. As we speak, pinupuntahan na ng tracker team namin ang all those involved in their known addresses,” aniya.

Ang mga tracker team ay nabuo noong Martes, Nobyembre 18, kaugnay ng mga kasong plunder, graft, at bribery na isinampa ng Ombudsman laban sa dating mambabatas at iba pang kasamahang akusado sa Sandiganbayan. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here