Home METRO Aksidenteng kinasangkutan ng bus ng lokal na pamahalaan, paiimbestigahan ng Bacolod mayor

Aksidenteng kinasangkutan ng bus ng lokal na pamahalaan, paiimbestigahan ng Bacolod mayor

MANILA, Philippines – Ipinag-utos na ni Mayor Albee Benitez ang imbestigasyon sa nangyaring aksidente na kinasangkutan ng isang city government bus kung saan nasawi ang isang guro, sa Don Salvador Benedicto, Negros Occidental nitong Biyernes, Hunyo 14.

“We will conduct a thorough investigation to determine the cause of this tragic accident to ensure that such incidents do not happen again in the future,” pahayag ni Benitez sa pamamagitan ng tagapagsalita nitong si Atty. Caesar Distrito.

Ayon kay Police Capt. Ignacio Javier, deputy chief ng Don Salvador Municipal Police Station, tumagilid ang bus dahil sa pagpalya ng preno habang paparating sa isang pakurbang bahagi ng kalsada sa Barangay Igmaya-an.

Ani Javier, may sakay ang bus na 39 na pasahero, kabilang ang 32 guro mula sa Barangay Paglaum Elementary School, ang limang kapamilya ng mg aito, bus driver at helper.

Ang mga ito ay nagmula pa sa San Carlos City.

Sinabi ng mga awtoridad na isa sa mga guro na si Arlyn Verde ay nasawi sa ospital dahil sa tinamong pinsala sa ulo at respiratory arrest, habang nagpapagaling naman sa ospital ang helper at isa pang guro.

Samantala, nakalabas na ng ospital ang iba pang mga pasahero.

Nasa kustodiya na ng pulisya ang drayber ng bus.

Ikinalungkot naman ng alkalde ang insidente.

“It is with deep sorrow and heavy hearts that we announce a tragic vehicular accident involving a bus owned by the city in Don Salvador Benedicto, which resulted in the unfortunate death of one teacher,” mensahe ni Benitez.

“Our thoughts and prayers are with those who are injured and we are committed to providing them with the necessary support and assistance during this difficult time,” dagdag pa niya.

Nagbigay na ang lungsod ng hospital assistance sa pamamagitan ng Bacolod City Comprehensive Health Program (BAcCHP) sa lahat ng mga biktima, kabilang ang kanilang mga gamot, laboratories at X-rays.

Inaalam din ng Department of Social Services and Development (DSSD) ang mga pangangailangan ng mga biktima.

Nakikipag-ugnayan na rin umano ang lokal na pamahalaan sa mga ospital para maibigay ang lahat ng nararapat na gamutan. RNT/JGC