Home OPINION MATAAS PERO MAPAGKUMBABANG SEN. RISA HONTIVEROS

MATAAS PERO MAPAGKUMBABANG SEN. RISA HONTIVEROS

NATATANDAAN ko noong Mayo ng taong 2021 ay mapalad akong inalok ng isang kabigan at kasamahan sa Laguna na makapagtrabaho sa kilalang maganda, mabait ngunit magiting at makabayang Senadora Ana Theresia Hontiveros, mas kilala bilang Sen. Risa Hontiveros.

Naging Consultant for Cavite ako sa ilalim ng kanyang Office of Senator Risa Hontiveros at doon ay paminsan-minsan na nakikita at nakakasama ko ang mambabatas lalo kapag mga aktibidad sa Cavite. Doon, nakita ko ang pagiging payak niyang sa estilo ng pananamit, malumanay na pagsasalita na may laman at diin sa bawat pahayag sa mga sesyon sa loob ng Senado hanggang sa mga imbestigasyon at press conference lalo sa usapin ng karapatan, katotohanan, katarungan at katuwiran ng lahing Pilipino.

Lamang, Setyembre 2021, bumitiw ako sa trabaho kay Hontiveros dahil kumandidato ako bilang konsehal ng bayan ng Indang sa pakiusap ng ilang mga concerned citizens at lingkod ng Diyos at Oktubre ay naghain na ako ng certificate of Candidacy. Samakatuwid, apat na buwan lamang akong nakapagtrabaho sa kanya.

Sapagkat halos hindi ako gaano nakapangampanya sa aming 36 barangay ng Indang ay suma total ay hindi ako pinalad na maging Konsehal ng Bayan ngunit nagpapasalamat na rin ako na bagaman at pang 13 lamang ako ay ang mga sinundan ko naman ay mga dati ng Konsehal ng Bayan o dati ng mga nakaupo o kilala na at may pangalan na, samakatuwid hindi naman ako nangulelat.

Lumipas ang mahigit sa isang taon, tila isang magandang pamasko naman ang aking natanggap sa pamamagitan ng isang tawag sa aking cellphone noong Disyembre, 2023 mula sa isa sa mga director ng Office of Senator Risa Hontiveors na naging boss ko rito na si Sir Job. Tinanong  ako kung gusto ko raw muling makapagtrabaho sa kanila, at hindi na ako nagpatumpik-tumpik pa kaya tinanggap ko muli na makapagtrabaho OSRH.

Kaya Enero ng taong 2024 ay nakapagtrabaho muli ako sa kanilang tanggapan bilang Political Officer for Cavite, mas madalas na kaysa sa dati na makita at makasama ako sa mga aktibidad ng senadora gaya nang Christmas party, birthdays, mga aktibidad sa Cavite at iba pa.

Bagaman isang mataas na tao sa ating lipunan bilang mambabatas, lalo akong humanga sa kanyang taglay na kababaang-loob, hindi gaya ng iba ay hindi siya “bossy” dahil na rin siguro sa pagiging aktibista niya noong araw bilang lider ng Akbayan. Makatao at makamasa si Hontiveros.

Nasabi ko ito dahil nakita ko mismo sa isang meeting namin sa isang hotel sa Quezon City, dumating doon si dating Sen. Kiko Pangilinan, tumayo siya at lumapit sa isang waitress at winikang “Mam makikisuyo ako na pakibigyan ng tubig si Senator Kiko, maraming salamat.” Winika niya ito hindi pautos o ‘boss ang dating’ kundi sa nakangiti at malumanay na tinig at paggamit ng mga salitang “makikisuyo” at “paki”.

Napakalapit sa aming kinatatayuan ang aming boss na kung tutuusin ay maaari niya ako o ibang political officer na utusan pero siya ang tumayo at lumapit sa waitress nang nakangiti at mapagkumbabang nakisuyo para sa tubig.

Kilala man siya ng marami o ng publiko bilang magiting at makabayan, datapwa’t ako mas nakilala ko pa siya ng husto bilang tunay na mabait at totoong tao,  bukod sa pagiging magaling o matalino ay maipagmamalaki kong matino at hindi korap.

‘Yan ang aking “Boss” , mataas na tao sa ating lipunan ngunit mababa or low profile talaga, hindi itinuring ang sarili na angat sa iba.