Home HOME BANNER STORY NTC kinastigo sa palpak na pagpapatupad ng SIM registration law vs POGO

NTC kinastigo sa palpak na pagpapatupad ng SIM registration law vs POGO

MANILA, Philippines – Kinastigo ni Senador Sherwin Gatchalian ang National Telecommunications Commission (NTC) sa kabiguan nitong maipatupad ang SIM registration law laban sa scammers na pinangungunahan ng ilang Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa pandaraya at scamming.

“Dapat gawin ng NTC ang trabaho nito na tiyakin ang epektibong pagpapatupad ng SIM registration law. Ang layunin ng batas na ito ay magbigay ng pananagutan para sa mga gumagamit ng mga SIM card at suportahan ang pagpapatupad ng batas sa pagsubaybay sa mga krimen na ginagawa sa pamamagitan ng telepono. Ngunit dahil tila nakalimutan na ng NTC ang responsibilidad nito, ang mga scammer sa industriya ng POGO ay patuloy na gumagamit ng SIM card nang walang tigil,” ayon kay Gatchalian.

Aniya, ang isang common denominator sa POGO na isinailalim sa pagsalakay ng awtoridad ang bulto-bultong SIM card na para sa pandaraya at paggawa ng kung anu-anong scam.

Nakita ito ng publiko noong ni-raid ang Smartweb Technology Corp. sa Pasay City, Zun Yuan Technology sa Bamban, Tarlac, at sa paghalughog sa Lucky South 99 na sumasaklaw sa Porac at Angeles City sa Pampanga.

Sa kaso ng Zun Yuan, natuklasan ng awtoridad ang SIM card na may maling pagkakakilanlan, kasama ang iba’t ibang telepono at script na ginagamit sa pang-ii-scam.

“Ang mga SIM card ay ginagamit sa pagsasagawa ng love scam, cryptocurrency scam, at iba pang mga investment scam. Bukod sa mga SIM card, ang ginawang search at seizure operation sa loob ng Lucky South 99 ay humantong din sa pagtuklas ng iba’t ibang phone device, droga, at mga sinasabing torture device,” ayon kay Gatchalian.

Ayon pa kay Gatchalian, isinabatas ang Republic Act No. 11934, o ang SIM Card Registration Act na may pangunahing layunin na bawasan, kung hindi man tuluyang masugpo ang scam sa pamamagitan ng text o online messages.

Mula noong ipatupad ang batas noong Oktubre 10, 2022, ang mga aktibidad ng scamming ay tumaas nang malaki, taliwas sa inaasahan, giit ng senador.

“Ang pagpaparehistro ng SIM ay napakahalaga upang labanan ang mga online na krimen na ginagamitan ng telepono. Kung tutulog-tulog ang NTC ay talagang hindi maisasakatuparan ang mandato nito,” sabi ni Gatchalian, na co-author ng SIM Registration Act.

“Hindi dapat ipagwalang-bahala ng NTC ang batas at siguraduhing maayos ang pagpapatupad ng batas na ito ng mga telco operators,” dagdag niya.

Si Gatchalian ay nagsusulong para sa pagbabawal sa lahat POGO sa bansa sa gitna ng lumulobong insidente ng krimen na sangkot ang industriya kabilang ang human trafficking, illegal detention, kidnapping, at iba’t ibang scamming activities tulad ng love at investment scam na ginagamitan ng SIM cards. Ernie Reyes