MANILA, Philippines – Arestado ng mga operatiba ng District Drug Enforcement Unit ng Southern Police District (DDEU- SPD), katuwang ang mga tauhan ng Pasay City police Station Sub-Station 5, ang isang bagong tukoy na high-value individual (HVI) at nasagip ang isang 13-anyos na child in conflict with the law (CICL) sa isinagawang entrapment operation sa Pasay City nitong Biyernes ng hapon, Setyembre 11.
Sa report na isinumite ng DDEU kay SPD director P/Brig. Gen. Rodel Pastor ay kinilala ang nadakip na pangunahing suspek na si alyas Munti, 42, residente ng Barangay 145, Pasay City, habang nasagip naman din sa lugar ang 13-anyos na lalaking CICL.
Base sa isinagawang imbestigasyon, dakong alas-5:05 ng hapon nang maganap ang pagsasagawa ng buy-bust operation ng pinagsanib na puwersa ng pulisya sa kahabaan ng Molave Street, Barrio Sto. Niño, Pasay City.
Matagumpay na nakipagtransaksiyon ang isang undercover police officer kay alyas Munti, na humantong sa agarang pag-aresto sa suspek at pagkakasagip sa menor de edad na naroon sa lugar.
Nasamsam ng mga awtoridad ang tatlong heat-sealed na transparent plastic sachet na naglalaman ng puting mala-kristal na sangkap na hinihinalang shabu, na may kabuuang timbang na humigit-kumulang 250 gramo at tinatayang Standard Drug Price (SDP) na ₱1,700,000.
Narekober din ang tunay na buy-bust money, isang orange na plastic cellophane, isang puting sobre, at isang cellular phone.
Ipinaalam sa pangunahing suspek ang kanyang mga karapatang konstitusyonal bago siya dinala sa tanggapan ng DDEU para sa dokumentasyon at pagsasampa ng kaso dahil sa paglabag sa Section 5 at Section 11, Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Samantala, ang 13-anyos na nasagip na menor de edad ay ipinagkatiwala sa mga kinauukulan at inaasikasong alinsunod sa mga itinakdang protocol para sa juvenile justice kaugnay ng paglabag sa Section 26 ng nasabing batas.
Pinuri naman ni Pastor ang operating unit dahil sa panibagong malaking pagkakasamsam ng ilegal na droga at sa pagkakasagip sa isang menor de edad mula sa pagkakasangkot sa operasyon ng ilegal na droga.
Binigyang-diin din ng district director na mananatiling agresibo ang SPD sa pagsugpo at pag-neutralisa sa mga high-value drug personalities sa buong distrito. James I. Catapusan