Home METRO ₱75-M FMEs, pataba, ipinamahagi ng DAR sa mga ARBO sa Western Visayas

₱75-M FMEs, pataba, ipinamahagi ng DAR sa mga ARBO sa Western Visayas

535
0

MANILA, Philippines – Upang mapaunlad ang repormang agraryo  namahagi ang Department of Agrarian Reform (DAR) ng ₱75 milyong halaga ng mga farm machineries and equipment (FMEs), at organikong pataba sa 26 Agrarian Reform Beneficiaries’ Organizations (ARBOs) sa mga lalawigan ng Iloilo at Guimaras sa ilalim ng Sustainable and Resilient Agrarian Reform Communities (SuRe ARC) Project.

Ayon sa DAR may kabuuang 96 yunit ng makinarya at kagamitan — kabilang ang mga harvester, traktora, rice thresher, irrigation pump, cultivator, at hauling truck — at 14,985 pakete ng organikong pataba ang ipinamahagi sa 2,530 agrarian reform beneficiaries (ARBs), kung saan 1,140 ay kababaihan.

Pinangunahan nina DAR Undersecretary for Support Services Josef Angelo S. Martires at Undersecretary for Foreign-Assisted Projects Jesry T. Palmares ang pamamahagi. Binigyang-diin ni Martires ang layunin ng pamahalaan na maipaabot ang mga suportang serbisyo sa pamamagitan ng mga organisadong samahan o kooperatiba ng mga magsasaka.

“Hinihikayat ko ang ating mga magsasaka na magbuo o sumali sa mga asosasyon o kooperatiba dahil dito dumaraan ang mga suportang binibigay ng gobyerno,” sabi  ni Martires.

Binanggit din niya ang aktibong partisipasyon ng kababaihang ARBs sa reporma sa lupa at mga gawaing pangkabuhayan sa kanayunan.

Layon ng SuRe ARC Project na mapataas ang kita ng mga magsasaka, maparami ang ani, mapalakas ang seguridad sa pagkain, at mahikayat ang mas maraming kababaihan na pumasok sa negosyo sa agrikultura. Sa pamamagitan ng pagpapahusay ng produktibidad ng mga sakahan at kita sa kanayunan, layon ng proyekto na tugunan ang mga isyu sa seguridad sa pagkain na kinakaharap ng mga pinakamahihirap na sektor at ng kabuuang ekonomiya.

Samantala nakakuha ang DAR ng ₱75 milyon para sa pagbili ng mga makinang pansakahan at pataba bilang bahagi ng patuloy nitong pagsisikap na bigyang-lakas ang mga komunidad ng reporma sa lupa at suportahan ang kanilang pangmatagalang pag-unlad. (Santi Celario)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here