MANILA, Philippines – Naglaan ng ₱89.13 milyon ang Department of Transportation (DOTr) para palitan ang kontrobersyal na “Mt. Kamuning” footbridge sa Quezon City ng mas abot-kaya at accessible na overpass para sa mga commuter.
Kasama sa proyekto ang disenyo at pagtatayo ng mas mababang footbridge na may elevator, na ikokonekta sa GMA-Kamuning EDSA Busway station.
Bukas ito sa competitive bidding, na may pre-bid conference sa Hulyo 18 at bid opening sa Hulyo 30. Kailangang matapos ng napiling contractor ang proyekto sa loob ng 180 araw.
Itinayo noong 2018 sa halagang ₱10 milyon ng MMDA, binatikos ang siyam na metrong taas ng overpass dahil sa matarik nitong akyatan.
Tinawag itong “Mt. Kamuning” ng netizens at inihalintulad sa pag-akyat ng bundok.
Bagamat pansamantala lamang umano ang disenyo, nanatili ang estruktura sa loob ng pitong taon.
Inatasan kamakailan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagbaklas sa footbridge dahil hindi ito akma sa matatanda at PWDs. Santi Celario