DALAWANG barko na may mga Pinoy seaman ang magkasunod na pinalubog sa Red Sea ng mga Houthi sa Yemen nitong nakalipas na mga araw.
Swerte ang 17 Pinoy na crew ng MV Magic Seas dahil pinayagan silang makaalis sa barko ng mga Houthi bago nila binomba at pinalubog ito noong Linggo.
Nasagip ang mga Pinoy na palutang-lutang sa karagatan ng mga dumaraang ibang barko at nasa bansang Dhibouti sila.
Kung babalik sila sa Pilipinas o manatili sila roon para sumakay muli sa mga barko na kanilang hanapbuhay, ang pamahalaan lang ang nakaaalam.
Ang mahalaga, ligtas sila sa kapahamakan.
MV ETERNITY C
Kinabukasan at sa susunod na araw o Martes, hinarang din ng mga Houthi ang MV Eternity C na may 25 umanong crew, kabilang na ang 21 Pinoy.
May 6 umanong nasagip ng mga rumespondeng barko, kasama ang isang Ruso na naputulan ng paa, ngunit 4 ang pinatay.
‘Yung ibang mga crew, tinangay ng mga Houthi na nagsabing nasa ligtas na lugar ang mga ito.
Sinasabing 2 Pinoy ang namatay at 2 security guard ng barko pinatay sa pakikipagbarilan sa mga Houthi.
Lumubog na rin ang barkong ito.
NASAAN SILA AT SINO-SINO SILA?
Pawang mga Pinoy ba ang mga binihag at nasaan sila sa “ligtas na lugar” sa Yemen?
Posible bang gamitin ang mga ito bilang panangga para itigil ng Israel ang pambobomba sa bahagi ng Yemen na sakop ng mga Houthi?
Matatandaang nasa isang taon ding naging bihag ang 17 Pinoy at iba pa na tauhan ng MV Galaxy.
Hinarang ito ng mga Houthi noong Nobyembre 2023 at pinakawalan lang sila nitong Enero 2025.
Itinago rin ang mga ito at swerteng walang namatay sa kanila sa bala o sa gutom hanggang sa sila’y palayain.
Minalas naman ang 2-3 Pinoy na namatay sa atake ng mga Houthi pa rin sa barkong MV True Confidence noong Marso 2024 sa Gulf of Aden naman o karagatang pinagmumulan ng mga barko bago papasok sa Red sea.
ANO-ANO ANG GAGAWIN?
Nasa kamay ng pamahalaan ng Pilipinas ang pagresolba sa mga panganib na hinaharap ng Pinoy seamen.
Noong una, nakipagkasundo ang pamahalaang Pinas sa mga ship owner at manning agency na huwag pilitin ang mga Pinoy na bumiyahe sa mga karagatang katulad ng Red Sea at Gulf of Aden.
Naging pabor din sa Pinoy seamen ang desisyon ng mga may-ari ng barko na umikot na lang sila sa dulong sur ng Africa kahit ilang araw ang karagdagang biyahe nila patungo sa kung saan-saan.
Natanggap din ng mga bansa ang pagtaas ng insurance ng mga barko, pagtaas ng sahod ng mga crew at pagmahal ng mga kalakal dahil sa mga pangyayari.
Pero ngayong sunod-sunod ang mga pangyayari na pagpapalubog sa mga barko dahil sa giyerang Israel at Hamas na ang huli ay kinakampihan ng mga Houthi, ano-ano pa ba ang mga pwedeng gawin ng pamahalaan para sa kaligtasan ng mga Pinoy seaman?
Paano rin ang desisyon ng mga seaman na maaaring taliwas sa kagustuhan ng pamahalaan?






