MANILA, Philippines- Nakolekta ng Philippine Ports Authority (PPA) simula 2016 hanggang sa kalagitnaan ng taong 2024 ang nasa 1,104,650.90 kilo ng mga basura mula sa tuloy-tuloy na pagsasagawa ng ahensya ng mga port at coastal-clean up activity.
Batay sa tala ng PPA, nagpatuloy sa pagbaba ang bilang ng mga basurang nakolekta mula sa lahat ng mga pantalan sa bansa na pinamamahalaan ng ahensya.
Mula 138,173 kilo noong 2016 ay umabot ito sa 45,321 kilo sa unang kalahati ng 2024. Malaki rin ang naging pagbaba ng nakolektang basura mula 289,628 kg noong 2018 na naging 77,860 kg noong 2023. Sinasalamin nito ang epektibong waste management at environmental initiatives ng ahensya.
Nakatuon din ang PPA sa pakikipag-ugnayan sa mga lokal na komunidad sa layuning maalagaan ang kapaligiran sa pamamagitan ng taunang Port Community Clean-Up at International Coastal Clean-Up na karaniwang ginaganap mula Hunyo hanggang Setyembre, kasabay ng pagdiriwang ng Seafarer’s Month at National Maritime Week.
Ayon sa PPA, nagsisilbi itong mahalagang plataporma para sa pagpapataas ng kamalayan tungkol sa waste management at pagsusulong ng mas malinis, luntiang daungan, at baybayin.
Nakakuha naman ng pagkilala ang ilang PPA port sa pamamagitan ng Green Port Award System (GPAS) dahil na rin sa dedikasyon ng port authority sa pgtataguyod ng malinis na pantalan at pangangalaga sa kalikasan.
Kabilang sa mga award-winning port ang Port of Batangas (2017), Port of Cagayan de Oro (2018, 2021), Manila International Container Terminal (2022), Port of Surigao (2023), at Port of General Santos (2024).
Upang mabawasan ang epekto ng climate change nagpapatupad ang PPA ng mga hakbang sa pamamagitan ng Green Port initiatives nito na mula sa modelo ng GPAS ng APEC Port Service Network (APSN).
Ang mga parangal na ito ay nagbibigay-diin sa tagumpay ng ahensya at ng pamumuno nito sa paglikha ng sustainable port operations sa buong Pilipinas.
Binigyang-diin ni PPA General Jay Santiago na nakatutok ang ahensya sa sustainability: “With a growing demand for green port solutions, sustainability will be a key focus, this includes energy-efficient operations, environmentally friendly practices, and investments in disaster-resilient infrastructure, especially in the context of climate change.”
Sumasabay ang mga inisyatiba na ito sa mga pagpapaunlad para sa renewable energy, decarbonization, at sustainable practices, habang nakasusunod din sa mga pandaigdigang pamantayan.
Patuloy ang pagsisikap ng ahensya sa pagsasagawa ng mga hakbang para mapaliit ang epekto ng masamang panahon sa operasyon ng mga pantalan at nakapaligid na komunidad. Sa pamamagitan ng patuloy na pagsisikap na ito, muling pinagtitibay ng PPA ang tungkulin nito na manguna sa pagkakaroon ng sustainable port management at responsibilidad sa kapaligiran. Jocelyn Tabangcura-Domenden