MANILA, Philippines – Napahina na ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang nasa kabuuang 1,311 miyembro at mga tagasuporta ng New People’s Army sa unang pitong buwan ng taon.
Ang “neutralized” ay isang military parlance na tumutukoy sa mga sumuko, inaresto at nasawing miyembro o tagasuporta ng NPA dahil sa nagpapatuloy na hakbang ng AFP at pamahalaan.
Sa pahayag nitong Martes ng gabi, Agosto 6, sinabi ni AFP spokesperson Col. Francel Margareth Padilla na kabilang dito ay ang 1,121 na mga sumuko, 97 na naaresto at 93 na nasawi mula Enero 1 hanggang Agosto 1 ngayong taon.
“(Aside from this) a total of 728 firearms and 225 anti-personnel mines were either captured or surrendered, and 157 encampments were seized,” ani Padilla.
Tumanggi nang magbigay ng mas marami pang detalye ang AFP spokesperson para sa security reasons.
Sa kaparehong panahon, nasa kabuuang 176 “local terrorist group” (LTG) members ang na-neutralize, 124 ang sumuko, 46 ang napatay at anim ang naaresto.
Ani Padilla, nasa kabuuang 166 armas at 21 anti-personnel mines ang nakuha at isinuko, habang 10 encampments ang nilusob sa military operations target ang mga miyembro ng LTG.
Kamakailan ay nangako ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na tatapusin na nito ang mga bantang idinudulot ng NPA sa pamahalaan at sa buhay ng mga mamamayan.
Ayon kay National Security Adviser and NTF-ELCAC co-vice chair Eduardo Año, matagumpay ang AFP na sirain ang politico-military component ng lahat ng 89 aktibong NPA guerrilla fronts mula 2018 nang likhain ang anti-insurgency body na nilikha sa ilalim ng Executive Order (EO) 70. RNT/JGC