MANILA, Philippines – Mahigit 1.6 milyong indibidwal ang apektado ng Tropical Storm Enteng at Southwest Monsoon o Habagat, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Huwebes, Setyembre 5.
Sa ulat, sinabi ng NDRRMC na kabuuang 1,610,322 katao, o 410,371 pamilya ang apektado ng masamang panahon sa Ilocos Region, Cagayan Region, Central Luzon, Calabarzon, Bicol, Western Visayas, Central Visayas, Cordillera, at Metro Manila.
Karamihan sa mga apektadong indibidwal ay nagmula sa Bicol sa 1,092,422.
Sa kabuuang apektadong populasyon,36,399 o 8,842 pamilya ang nananatili sa 297 evacuation centers habang ang 14,648 katao naman o 5,005 pamilya ay tumutuloy sa ibang lugar.
Iniulat ang 13 kataong nasawi dahil sa bagyong Enteng at Habagat habang 15 ang nawawala at 11 ang nasaktan.
Umabot naman sa P63,454,392 ang halaga ng pinsala sa imprastruktura at P1,231,420 sa agrikultura.
Kabuuang 651 tirahan ang napinsala, 603 dito ang partially damaged at 48 ang totally damaged. RNT/JGC