Home OPINION 1 LINGGONG BAHA SA BRAZIL AT PINAS

1 LINGGONG BAHA SA BRAZIL AT PINAS

MABILIS nang dumarating ang tag-ulan at tagbagyo sa mahal kong Pinas sa kabila ng pagtatagal ng El Niño hanggang buwan ng Agosto.

Ayon sa PAGASA, dalawang bagyo ang darating ngayong buwan ng Mayo at dalawa rin sa Hunyo at pagkatapos nito, may tigtatatlo na ang mga susunod ng buwan.

Kung ano ang mangyayari sa mga bagyong darating at mga pag-ulan, wala tayong katiyakan.

Pero magandang pagmasdan ang naganap sa bansang Brazil bilang paghahanda.

1 LINGGONG BAHA

Isang linggo nang bumabaha nang matindi sa Rio Grande do Sul state, Brazil na pinasimulan ng isang maulan na bagyo.

May 90 nang patay, 131 missing, 362 sugatan at libo-libong bahay ang nakalubog sa baha.

Ang masama, walang palatandaan na huhupa ang baha lalo’t walang tigil ang pag-ulan at may namumuo na namang bagyo sa lugar.

May isang dam nang nagiba at may lima pang maaaring magiba sa pag-apaw ng tubig sa mga ito.

Ang kung mangyayari ang pag-collapse ng mga dam, alam na natin ang magaganap – ang lalong pagkakaroon ng baha.

At sa pangyayaring ito, maaaring madagdagan ang masasamang balita gaya ng sa kamatayan, nasugatan at missing.

IBANG MGA PROBLEMA

Nasisira ang mga kalsada, tulay at maging ang mga paliparan sa lugar.

Kaya napakahirap na ang pagsuplay ng pagkain, kasama ang tubig-inumin, sa daan-daang libong taong biktima.

Sa ilang water treatment, dalawa na lang ang gumagana at rasyon pa ang suplay ng tubig ang nagaganap sa mga hindi tinamaan ng baha.

Helikopter na ang gamit sa pagdadala ng mga pagkain at tubig inumin.

Pati barko, gamit na rin sa pagsusuplay ng pagkain, gamot at tubig.

May 15,000 sundalo at pulis ang kasali ngayon sa pag-ayuda sa mga biktima.

Galing ang mga ito mula sa pambansang pamahalaan ng Brazil para masuportahan ang mga mamamayan sa nasa 400 bayang tinamaan ng baha.

At tumutulong na rin ang mga katabing bansang Argentina at Uruguay.

Bale tigil ang buhay.

Walang pumapasok sa trabaho, eskwela, negosyo at iba pa.

SA PINAS

Ano kaya ang mangyayari sa Pilipinas kung maganap ito?

Halimbawa na lang kung tinamaan ang Metro Manila na may 15 milyong mamamayan at nagiging 20 milyon sa araw dahil sa pagpunta rito ng mga obrero at estudyanteng galing sa Rizal, Bulacan, Cavite, Laguna at Batangas.

Ano nga ang mangyayari sa mahigit isang linggong baha na tatama sa ganitong dami ng mga mamamayan?

Kung iisipin, hindi na bago ang mga Pinoy sa ganitong mga pangyayari dahil naranasan na rin ito ng maraming pagkakataon gaya ng sa Central Luzon.

Pero kung magaganap ito sa mga pangunahing sentrong rehiyon ng Pinas, gaya ng Metro Manila, ano nga ang mangyayari?

Minsan nang nagka-Ondoy sa Metro Manila, kasama ang Rizal at Bulacan ngunit humupa ito sa loob lang ng dalawang araw.

Paano kung isang linggo at mahigit na, eh, naririyan pa rin ang bagyo, ulan, pag-apaw ng mga dam at  baha?

Maghanda na lang ang lahat sa kalamidad sa darating nang masasamang panahon.