Home NATIONWIDE 1 milyong indigent seniors, nasa waitlist pa rin sa social pension –...

1 milyong indigent seniors, nasa waitlist pa rin sa social pension – Go

356
0

MANILA, Philippines – Nanawagan si Senador Bong Go ng dagdag pondo para matugunan ang higit isang milyong senior citizen na hanggang ngayon ay nasa waitlist pa rin para sa social pension na tinaasan ng batas mula ₱500 tungo sa ₱1,000 kada buwan.

Sa pagdinig sa Senado, sinabi ni Go na masakit makita ang matatanda na napipilitang maghanapbuhay para mabuhay, iginiit niyang tungkulin ng gobyerno—legal at moral—na suportahan sila. Binigyang-diin niyang unahin ang pensyon ng seniors kaysa mapunta ang pondo sa mga proyektong “ginagatasan” ng iilan, gaya ng flood control.

“Mas mabuti pong tulungan ang matatanda kaysa hayaan na ang pondo ay mapunta sa mga proyektong gatasan ng iilan,” ani Go, sabay panawagan na ituon agad ang pondo para sa pinakamahihirap.

Kabilang sa kanyang isinusulong ang panukalang batas para sa pagtatayo ng pambansang ospital para sa senior citizens.

“Bawat piso, bawat sentimo napakahalaga po sa ating seniors,” aniya, habang ikinuwento ang 68-anyos na nagtitinda pa rin ng turon para suportahan ang pamilya.

“Kahapon lang po mayroon akong nakasalubong na isang matanda, 68 years old, nagtitinda ng turon, para may pangtustos sa kanyang pamilya. Dapat sa ganung edad, hindi na po nagtitinda ‘yung lola. Dapat po’y meron siyang matatanggap sa gobyerno, pambili ng gamot, pambili ng pamasahe, ang sakit sa dibdib na makita na kailangan pa n’yang magtrabaho para lang po may maitustos sa pamilya,” ani Go.

Inapela rin ng senador ang pagpaprayoridad sa probisyon ng social pension para sa mga kuwalipikadong indigent seniors na nasa waitlist pa rin.

Iginiit niya sa komite na ang pagsuporta sa mga indigent elderly na isa sa adbokasiya ng Chairperson, na dati ring nagsilbi bilang   DSWD Secretary, na tumutukoy kay Sen. Erwin Tulfo.

“Habang hindi pa nabibigay itong social pension, ‘yung mga kulang, sana po ay bigyan ito ng prayoridad. Nakikiusap ako muli sa ating butihing Chairperson, matulungan po itong social pension. ‘Yan naman po ang isa sa mga naging layunin mo noong naging Secretary ka ng DSWD na huwag pabayaan ang mga social pension ng mga senior citizens. I am one with this committee, Mr. Chair,” giit ni Go. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here