MANILA, Philippines – Sinusuyod na ng Philippine Coast Guard (PCG) ang katubigan ng Sarangani para sa search and rescue operation para sa mga pasahero at tripulante ng motorboat na MBCA Amejara.
Nauna nang nailigtas ang isang tripulante.
Ayonnaman kay PCG Spokesperson Capt. Noemie Cayabyab, ang rekreasyonal na motorboat na may 13 sakay—siyam na pasahero at apat na tripulante—ay umalis sa Santa Ana, Davao City noong Sabado at inaasahang darating sa Governor Generoso, Davao Oriental noong Lunes. Nang hindi ito dumating, naitala itong nawawala kaya inaktiba ang mga SAR unit ng PCG.
“At around 11 a.m. today, one survivor, a crew member of MBCA Amejara, was rescued while drifting in the waters off Sarangani,” ani Cayabyab.
Patuloy ang paghahanap sa Sarangani area, kung saan pinalalakas ang mga patrol at coastal monitoring kasabay ng koordinasyon sa mga mangingisda at lokal na pamahalaan.
Naglabas din ang PCG District Southeastern Mindanao ng “Notice to Mariners,” na nagbabala sa mga barko at mangingisda sa Davao Gulf na magbantay para sa nawawalang sasakyan at mga pasahero, partikular sa tubig ng Malita, Sta. Maria, Don Marcelino, Balut Island, Sarangani Island, Jose Abad Santos sa Davao Occidental, at Governor Generoso sa Davao Oriental.
Kasalukuyang pinatutunayan ng PCG ang pagkakakilanlan ng mga nawawalang pasahero. RNT