Home METRO 1 nawawala sa landslide sa Southern Leyte

1 nawawala sa landslide sa Southern Leyte

263
0

TACLOBAN City, Philippines — Patuloy na nagsasagawa ng search and resue operation ang mga awtoridad para mahanap ang nawawalang foreman sa pinagtatrabahuan nitong construction site matapos gumuho ang lupa bunsod ng malakas na buhos ng ulan, iniulat kahapon sa bayan ng San Ricardo.

Kinilala ang biktimang si Dador Moscosa, 54 taong gulang, tubong Samar at foreman ng 888 ACY Construction.

Batay sa report ng Eastern Visayas Police Regional Office, Palo, Leyte, nagsimula ang malakas na buhos ng ulan noong Sabado ng hapon at inabot ng Linggo Hulyo 13, 2025 bandang 3:00 AM.

Ayon sa mga ulat, natutulog ang biktima sa barracks ng mga manggagawa nang mangyari ang landslide at inanod ng rumaragasang tubig dulot ng pagguho.

Nadamay rin sa insidente ang ilang ari-arian tulad ng dalawang bahay, ilang motorsiklo, isang cement mixer, isang dump truck, at ang barracks ng mga construction workers.

Habang nakaligtas ang mga kasamahan ni Moscosa at ang ilang residente na naapektuhan ang bahay sa pagguho.

Tinamaan ng landslide ang Barangay San Ramon, isang liblib na lugar na 40 kilometro ang layo mula sa Poblacion, kung saan kasalukuyang isinasagawa ang konstruksiyon ng isang viaduct na mag-uugnay rito sa kalapit na Barangay Looc.

Inilikas na rin ng mga awtoridad ang mga residente apektado ng pagguho ng lupa habang nilapatan naman ng lunas ang naiulat na isang nasugatan sa naturang insidente. /Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here