Home NATIONWIDE 1 patay, 1 nawawala sa lumubog na barko sa N. Samar

1 patay, 1 nawawala sa lumubog na barko sa N. Samar

Patuloy pa rin na pinaghahanap ng Philippine Coast Guard (PCG) ang isang crew member ng cargo vessel habang nasagip ang 13 iba pa matapos lumubog sa karagatan ng Lavezares, Northern Samar noong Lunes.

Sa nasabing maritime incident, isa ang iniulat na nasawi mula sa MVJherlyn Khatness.

Sa ulat, nangyari ang insidente nang makasagupa ng barko ang malalaking alon.

Lulan ng barko ang mga semento mula Naga City, Cebu at patungong san Jose, Northern Samar nang hampasin ng malalaking alon na sanhi ng pagtaob hanggang tuluyang lumubog.

Sakay ng barko ang 15 crew kabilang ang kapitan nang lumubog ang barko.

Unang sinabi ng Coast Guard na 10 crew ang nailigtas habang lima ang nawawala.

Gayunman, sa patuloy na rescue operations, iniulat na isang 63 anyos na lalaki ang nawawala habang kumpirmadong patay ang 30 anyos na crew matapos matagpuan ang katawan nito sa Biri, Northern Samar. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)