Home METRO 1 patay, 1 sugatan sa araro ng SUV sa mga nakaparadang motorsiklo

1 patay, 1 sugatan sa araro ng SUV sa mga nakaparadang motorsiklo

MANILA, Philippines- Isa ang patay habang isa pa ang sugatan nang araruhin ng isang puting sport utility vehicle (SUV) ang mga motorsiklong nakaparada sa gilid ng kalsada sa Barangay Banilad, Cebu City. 

Kinilala ang nasawi na isang 55-anyos na magsasaka na dadalhin sana ang mga naani niya sa lokasyon ng kanyang buyer.

Ipinarada ng biktima ang kanyang motorsiklo sa gilid ng kalsada sa kahabaan ng Governor Cuenco Avenue sa Barangay Banilad bandang alas-4 ng madaling araw nitong Hunyo 15, 2024 habang may hinihintay.

Kinilala naman ang isa pa na nagtamo ng mga sugat na isang 26-anyos na food delivery rider na ipinarada ang kanyang motorsiklo sa likod ng sasakyan ng magsasaka.

Ayon sa imbestigador sa Cebu City Police Office – Traffic Enforcement Unit (CCPO-TEU), narinig at nakita umano ng delivery rider ang papalapit na SUV sa kanilang direksyon.

Batay sa saksi, nakita niya ang magsasaka sakay ng kanyang motorsiklo at pagtilapon ilang metro mula sa pinagpaparadahan nito.

Isinailalim naman ang 32-anyos na SUV driver sa hospital arrest habang ginagamot dahil nagtamo rin ito ng sugat.

Sa kasalukuyan, hindi pa natutukoy ng mga awtoridad kung lasing ang SUV driver o nakatulog habang nagmamaneho. 

Maghahain ng kasong reckless imprudence resulting to homicide, physical injuries, at damage to properties laban sa SUV driver. RNT/SA