ILOCOS SUR- Patay ang isang lalaking senior na nagmamaneho ng kurong-kurong samantalang sugatan naman ang driver ng motorsiklo at angkas nito (parehong mga lalaki) matapos ang aksidenteng banggaan ng kanilang mga sasakyan sa Brgy. Palali Sur, Sta. Lucia ng lalawigang ito kagabi.
Ayon sa mga awtoridad, ang 65-anyos na driver ng kurong-kurong na isang magsasaka ay residente ng Brgy. Conconig East samantalang ang 31-anyos na driver ng kulay itim na Rusi motorcycle at 21-anyos na angkas nito ay parehong residente ng Brgy. Paoc Norte ng naturang bayan.
Nabatid na ang dalawang sasakyan ay parehong bumibiyahe sa provincial road ng naturang lugar.
Ang kurong-kurong ay papuntang silangang direksyon samantalang ang motorsiklo naman ay papuntang kanlurang direksyon.
Pagdating sa pinangyarihan ng insidente, umagaw umano ng linya ang motorsiklo kaya nagkasalubong ang dalawang sasakyan na nagresulta ng kanilang banggaan.
Parehong sugatan ang tatlo na agad na isinugod sa Sta. Lucia District Hospital.
Gayunman, ang driver ng kurong-kurong ay idineklarang dead-on-arrival ng umatending doktor. Rolando S. Gamoso