MANILA, Philippines- Arestado ang dalawang indibidwal na sangkot sa umano’y paggawa ng pekeng motor vehicle documents sa Quezon City, kung saan umano pinatakbo ng mga ito ang kanilang operasyon malapit sa central office ng Land Transportation Office (LTO).
Ayon sa LTO nitong Sabado, nadakip ang 54-anyos na lalaki at 36-anyos na babaeng kasabawat umano nito, ng mga tauhan ng Quezon City Police Criminal Investigation and Detection Group (QC CIDG) sa entrapment operation nitong Biyernes.
Nasakote sila habang nagsasagawa umano ng ilegal na aktibidad sa unang palapag ng Prima Building, East Avenue corner Magalang Street, Barangay Piñahan.
Narekober ang mga pekeng official receipts/ certificates of registration, laptop, printer, at mobile phone, kasama ang marked money na ginamit ng mga awtoridad.
Ayon sa LTO, nakatanggap ito ng impormayon na pinangangasiwaan umano ng naarestong lalaki ang operasyon malapit sa LTO Central Office. Kalaunan ay nakumpirma ito ng ahensya matapos magpadala ng indibidwal na nagpanggap na kliyente.
“During the investigation of the CIDG, it was found out that the suspects were members of the Cris Falsification Group involved in fabrication and selling of falsified private and public documents specifically LTO Driver’s License and Official Receipt (OR) and Certificate of Registration (CR) rampantly operating on the area of Quezon City,” pahayag ng LTO.
Wika ni LTO chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II, “Let this serve as a warning against fixers and other people making easy money using LTO documents, and even those manufacturing and selling fake license plates, that we will not stop until you are all brought to jail.”
Kasalukuyang nasa ilalim ng kustodiya ng QC CIDG sa Camp Karingal ang dalawa at nahaharap sa kaukulang kaso. RNT/SA