Home NATIONWIDE DSWD: P875M QRF replenishment sapat ‘gang Disyembre

DSWD: P875M QRF replenishment sapat ‘gang Disyembre

MANILA, Philippines- Saklaw na ng kulang-kulang na P1 bilyong replenishment sa Quick Response Fund (QRF) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang requirements para sa pagtugon ng departamento sa ‘response at relief efforts’ hanggang Disyembre.

Sinabi ni DSWD spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao, kapag nagawa na ang QRF replenishment, “we would be able to procure additional raw materials that would enable us to produce family food packs at a production capacity of more than 30,000 [daily] for both Luzon based hubs —ito yung nasa National Resource Operation Center at sa Central Luzon.”

“That is separate from the production ng VDRC [Visayas Disaster Resource Center) sa Cebu because we project 25,000 daily production output… so those two are 50,000 and we could go even higher than that,” patuloy niya.

Noong nakaraang Huwebes, inilabas ng Department of Budget and Management (DBM) ang P875 milyon bilang dagdag-QRF.

Ang QRF ng DSWD ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Marcos “to ensure we have standby funds to respond to disasters.”

Ang inilabas na halaga ay huhugutin mula sa National Disaster Risk Reduction and Management (NDRRM) Fund sa ilalim ng Fiscal Year 2024 General Appropriations Act (GAA).

Sa ilalim ng 2024 GAA, ang NDRRM Fund ay maaaring gamitin bilang additional funding source para sa QRF ng nagpapatupad na ahensya kapag ang balance nito ay umabot sa 50%, “subject to the approval of the DBM.”

“We hope that wala masyadong disasters and emergencies in the month of December dahil ang mapo-produce natin ay pwede until the second week of December,” ang sinabi ni Dumalo.

Gayunman, sinabi ni Dumlao na ang departamento ay mayroong milyong family food packs na nakaantabay sa estratehikong bahagi ng bansa.

“But we continue to produce and dispatch,” wika niya.

“Nakahanda po ang DSWD in terms of our resources,” aniya pa rin.

Sakali namang kailanganin pa ng mas maraming pondo dahil sa hindi inaasahang extreme weather conditions o mga kalamidad, sinabi ni Dumlao na ang DSWD ay pinapayagan “to request for another replenishment.”

“Nakalagay sa mga umiiral na mga panuntunan na kapag nakapag-obligate na ang DSWD ng 50% or more than that ng ating QRF ay maari tayong mag request ng replenishment mula sa Department of Budget and Management,” paliwanag ni Dumlao.

Hanggang nitong Oktubre 30, 2024, sinabi ng DBM na ang available QRF balance ng DSWD ay umabot sa “below the 50% threshold” na P557.77 milyon o 31.87% ng kasalukuyang appropriations. Kris Jose