MANILA, Philippines- Kasalukuyang naghahanda ang mag-amang Vice President Sara Duterte at dating Pangulong Rodrigo ‘Digong’ Roa Duterte para harapin ang imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) sa madugong ‘war on drugs’ sa ilalim ng nagdaang administrasyon.
Sinabi ni VP Sara na bagama’t hindi sya pormal na bahagi ng ICC investigation, naghahanda pa rin siya para rito.
“Sa akin, wala pa naman eh. Sabi ng mga tinatanong namin wala naman ako doon sa complaint. Wala pa ako doon sa investigation. Wala pa lahat pero naghahanda,” ang sinabi ni VP Sara.
Inamin ni VP Sara kailangan ng kanyang ama na maging “well-prepared” para sa imbestigasyon ng ICC dahil siya (dating Pangulong Duterte) ang imbestigahan at isasalang sa “hot seat.”
“Siya siguro ang dapat maghanda kasi siya ang unang dadalhin dun eh,” ang sinabi ni VP Sara, tinukoy ang ICC sa The Hague sa Netherlands.
Kasalukuyan kasing tinitingnan ng ICC ang libo-libong Filipino, karamihan ay mahihirap na nasawi sa panahon ng dating administrasyon dahil sa war on drugs campaign.
Nahalungkat sa imbestigasyon ng House quad-committee na nagkaroon ng rewards system sa panahon ng kampanya, kung saan ang hitmen ay nakatatanggap umano ng monetary rewards para sa pagpatay sa umano’y drug pushers.
Matatandaang sinabi ni dating Pangulong Duterte, sa unang pagkakataon na dumalo siya sa 11th quad-comm hearing na handa siyang sumuko sa ICC at para naman sa Malakanyang, hindi nito pipigilan ang gustong mangyaring ni dating Pangulo.
Subalit, sinabi ni VP Sara na ang sitwasyon ay “best to be answered by the lawyers,” nang uriratin ukol sa naging anunsyo ng Malakanyang na kinokonsidera ng mga lokal na awtoridad na makipagtulungan sa Interpol kung hihilingin ng ICC ang interbensyon o pamamagitan ng mga ito sa drug war probe.
“Meron din akong lawyer sa ICC. But hindi kami nagkausap kasi after nung hearing. So, hindi ko alam kung anong way forward nitong ICC,” ang tinuran ni VP Sara. Kris Jose