Nagtungo sa NBI si dating mambabatas na si Mike Defensor at Atty. Ferdinand Topacio nitong Huwebes, Marso 12, kasunod ng subpoena na inisyu laban sa kanya kaugnay ng mga alegasyon ng 18 ex-Marines. Cesar Morales
MANILA, Philippines – Dinipensahan ni dating congressman Mike Defensor nitong Biyernes, Hunyo 5, ang 18 nagpakilalang dating miyembro ng Marines at sinabing ang mga testimonya ng mga ito sa Cayetano bloc-led Senate Blue Ribbon committee ay hindi scripted at hindi politically motivated.
Sa panayam ng DZBB, sinabi ni Defensor na inalala ng mga indibidwal na ito ang kanilang mga personal na nakita at tumugon sa mga tanong sa pagdinig.
“Ang mga Marino, ang mga sundalo, nagsasabi lang noong kanilang nakita, noong kanilang ginawa. Kung anong tanong sa kanila ng komite o korte later on, ‘yun lang din nasasabi nila,” sinabi ni Defensor.
Aniya, may mga hakbang para pigilan ang mga ito na ilantad sa publiko ang kanilang mga alegasyon.
Pinabulaanan din ni Defensor ang mga alegasyon na iniiba nila ang naratibo at sinubukang implunwesyahan ang politika at bigyang suporta ang pamilya Duterte.
Sa testimonya ng ex-Marines, sinabi nila na ilang mga personalidad umano ang nakatanggap ng kickback sa flood control projects kabilang sina Senador Vicente “Tito” Sotto III at Erwin Tulfo, maging si dating senador Antonio Trillanes IV.
Itinuro rin nila ang mga mambabatas na sina dating speaker at Leyte congressman Martin Romualdez, ML Party-List representative Leila de Lima, at dating congresswoman France Castro.
Itinanggi nila ang mga alegasyong ito.
Samantala, pinuna ni Tulfo ang umano’y hindi pagbanggit ng mga dating Marines sa pangalan nina Senador Loren Legarda at Mark Villar sa kanilang testimonya kahit na kasama ang dalawa sa kanilang affidavit.
“Ito po ay katotohanan na sinabi ng mga sundalo. Kunwari ngayon, tinatanong niyo ako, kung ano itanong niyo sa akin, ‘yun ang sasagutin ko. So hindi naman ibig sabihin may tinatago ako. Hindi naman ibig sabihin may ayaw akong palabasin,” sagot naman ni Defensor nang tanungin patungkol dito. RNT/JGC