Home HOME BANNER STORY Senado ginagamit bilang ‘political theater’ – House leaders

Senado ginagamit bilang ‘political theater’ – House leaders

3
0

MANILA, Philippines – Binatikos ng ilang lider ng Kamara ang umano’y paggamit sa Senado bilang “political theater” upang siraan ang House prosecution team bago pa man magsimula ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Deputy Speaker Janette Garin, ginamit umano ang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee upang ikalat ang mga alegasyong tumanggap ng pera ang ilang kongresista mula kay dating Ako Bicol party-list Rep. Elizaldy Co.

Mariing itinanggi ni Garin ang paratang at tinawag itong “ganap na kasinungalingan.”

“Ginagamit ang Senado para isulong ang political agenda at magpakalat ng mga akusasyong walang ebidensya laban sa mga miyembro ng Kamara,” ani Garin.

Hinimok din niya ang publiko na maging mapanuri sa gitna ng umano’y propaganda at maling impormasyon.

Samantala, sinabi ni Deputy Speaker Paolo Ortega V na tila may pagtatangkang sirain ang kredibilidad ng Kamara at ng House prosecutors bago pa magsimula ang paglilitis kay Duterte.

Kabilang sa mga nadawit sa alegasyon sina House prosecutors Gerville Luistro, Joel Chua, Leila de Lima, Terry Ridon at impeachment spokesperson Zia Alonto Adiong.

Ayon kay Ortega, ang pag-atake sa prosecution panel ay pag-atake rin sa mismong impeachment process na itinakda ng Konstitusyon.

Nauna nang itinanggi ng mga nasabing kongresista ang mga alegasyon ng grupong tinaguriang “18 Marines,” habang naghain naman si De Lima ng cyberlibel complaint laban sa mga ito.

Sinabi rin nina Chua at Ridon na may mga pagkakaiba at umano’y kahina-hinalang detalye sa testimonya ng mga nag-akusa sa kanila.

Iginiit naman ni Adiong na wala siyang natanggap na maleta o anumang halaga ng pera mula kaninuman.

Matatandaang sinabi noon ng Philippine Navy na apat sa 18 umano’y dating Marine officers ay hindi kailanman naging miyembro ng serbisyo, habang ang karamihan sa iba ay nadismiss umano sa hanay ng militar. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here