MANILA, Philippines – Isa ang nasawi habang tatlo ang sugatan matapos bumangga ang isang malaking truck sa apat na sasakyan sa Jose Abad Santos Avenue (JASA) sa Guagua, Pampanga.
Batay kay Guagua Police Chief Police Major Jaime Edejer, sinabing patungong Lubao ang truck, isang SUV at dalawang closed van, habang patungong San Fernando naman ang isang Toyota Vios.
Nakahinto umano ang SUV at dalawang closed van upang magbigay-daan sa sasakyang liliko nang biglang dumating ang mabilis na truck at bumangga sa mga ito.
Dahil sa lakas ng banggaan, napunta ang unahang bahagi ng truck sa kabilang linya at sumalpok sa kasalubong na Toyota Vios.
Nasawi ang isang sakay ng kotse habang sugatan ang driver nito at dalawang driver ng closed van.
Samantala, inihahanda na ng pulisya ang kaukulang kasong kriminal laban sa driver ng truck.
Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang buong pangyayari at pananagutan sa aksidente. Mary Anne Sapico