BEIJING – Muling iginiit ni Chinese President Xi Jinping na hindi maiiwasan ang muling pag-iisa ng China at Taiwan, ngunit agad itong tinanggihan ng pamahalaan sa Taipei.
Sa kanyang talumpati sa Beijing nitong Huwebes, Nobyembre 12, sinabi ni Xi na nananatiling makasaysayang misyon ng Communist Party of China ang tinatawag nitong complete reunification ng dalawang panig.
Binigyang-diin niya na hindi mapipigilan ang takbo ng kasaysayan at tiyak umanong maisasakatuparan ang naturang layunin.
Ginawa ni Xi ang pahayag sa paggunita sa ika-160 anibersaryo ng kapanganakan ni Sun Yat-sen, na nanguna sa rebolusyong nagpabagsak sa imperyal na pamamahala sa China noong 1911.
Ayon kay Xi, nananatiling bukas ang Beijing sa mapayapang pag-uusap batay sa prinsipyong one China at patakarang one country, two systems.
Gayunman, mariing tinanggihan ng Mainland Affairs Council ng Taiwan ang panukala, at iginiit na ang 23 milyong mamamayan nito ang dapat magpasya sa kanilang kinabukasan.
Ayon sa konseho, hindi kailanman pinamahalaan ng People’s Republic of China ang Taiwan at wala itong karapatang magdikta ng kinabukasan ng isla.
Matagal nang itinuturing ng Beijing ang Taiwan bilang bahagi ng teritoryo nito, habang tinatanggihan naman ng demokratikong pinamamahalaang Taiwan ang pag-angkin ng China.
Bagama’t binigyang-diin ni Xi ang mapayapang reunification, hindi pa rin inaalis ng Beijing ang posibilidad ng paggamit ng puwersa.
Nagaganap ang panibagong palitan ng pahayag habang nagpapatuloy ang tensyon sa Taiwan Strait, ilang araw bago ang nakatakdang Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) summit sa Shenzhen, China. Dave Medina