Home NATIONWIDE Greta Thunberg nakiisa sa pagtutol sa Pax Silica

Greta Thunberg nakiisa sa pagtutol sa Pax Silica

1
0

MANILA, Philippines – Nakiisa ang Swedish climate activist na si Greta Thunberg sa panawagan ng mga grupong Pilipino na tutulan ang Pax Silica, isang inisyatiba na pinangungunahan ng Estados Unidos para sa pagpapaunlad ng semiconductor, artificial intelligence (AI) at critical minerals supply chains.

Sa isang solidarity video na inilabas noong Miyerkoles, Nobyembre 11, nanawagan si Thunberg na unahin ang kapakanan ng mamamayan at kalikasan sa paggamit ng lupa, paggawa at likas na yaman.

“Reject Pax Silica,” ani Thunberg, na dumalo rin sa ika-31 United Nations Climate Change Conference (COP31) sa Antalya, Türkiye.

Nag-ugat ang pagtutol ng mga environmental at indigenous peoples’ groups sa planong 1,620-ektaryang advanced manufacturing hub sa New Clark City, Tarlac.

Ayon sa mga grupo, posibleng magdulot ang proyekto ng pagkawala ng kabuhayan, pagkasira ng kalikasan at paglikas ng mga katutubong komunidad.

Gayunman, nauna nang tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi isasapanganib ng proyekto ang mga komunidad at lugar na mahalaga sa kultura ng mga katutubo.

Ayon din sa Malacañang, ilalagay ang mga pasilidad sa mga lugar na nakatalaga para sa development upang maiwasang maapektuhan ang mga magsasaka at katutubo.

Samantala, nilinaw ng Department of Trade and Industry (DTI) na walang nakatakdang paglagda sa Pax Silica framework agreement sa pagbisita ni US President Donald Trump para sa ASEAN Summit sa Pilipinas ngayong Nobyembre.

Sa kabila nito, sinabi ng Network Opposed to Pax Silica na hindi nangangahulugang natapos na ang kanilang pagtutol dahil lamang ipinagpaliban ang inaasahang paglagda.

Nananatiling target ng pamahalaan na mapirmahan ang framework agreement bago matapos ang 2026 habang nagpapatuloy ang negosasyon sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here