Home NATIONWIDE Microsoft Outlook sapul ng malawakang outage

Microsoft Outlook sapul ng malawakang outage

1
0

MANILA, Philippines – Libo-libong gumagamit ng Microsoft Outlook sa iba’t ibang bahagi ng mundo ang nakaranas ng problema sa pag-access ng kanilang email kasunod ng malawakang outage na nakaapekto rin sa iba pang serbisyo ng Microsoft.

Ayon sa Microsoft, nagsimula ang aberya nitong Huwebes, Nobyembre 12, sa Estados Unidos, kung saan maraming users ang hindi makapagbukas ng kanilang inbox o makapagpadala at makatanggap ng email.

Batay sa outage monitoring website na Downdetector, umabot sa halos 130,000 ang mga ulat ng problema sa Outlook bandang ala-1 ng hapon sa Eastern Time ng Estados Unidos.

Bukod sa Outlook, nakaranas din ng aberya ang ilang gumagamit ng Microsoft Teams, Copilot at iba pang Microsoft 365 services.

Sa pagsusuri ng Microsoft, natuklasang ilang server ang biglang naging unavailable, dahilan upang tumaas ang load sa natitirang infrastructure at magkaroon ng connectivity problems sa iba’t ibang rehiyon.

Dahil dito, pansamantalang itinigil ng kumpanya ang mga system deployment at configuration changes habang inililipat ang internet traffic sa ibang server at isinasagawa ang restoration efforts.

Sinabi ng Microsoft na may mga server nang naibalik sa operasyon, ngunit limitado pa lamang ang pagbuti ng serbisyo sa ilang rehiyon.

Sa service update nitong Biyernes ng umaga, Nobyembre 13, oras sa Pilipinas, patuloy pa ring sinusuri ng kumpanya ang mga server na muling nagiging unresponsive matapos makatanggap ng traffic.

Wala pang kumpirmasyon kung kailan ganap na maibabalik ang lahat ng apektadong serbisyo. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here