MANILA, Philippines – Nasawi ang isang siyam na taong gulang na batang lalaki habang sugatan ang walo iba pang bata matapos na mabangga ng AUV ng kanilang kapitbahay sa Dagupan, Pangasinan.
Sa ulat, katatapos lamang maglaro ng mga bata at nagpapahinga sa gilid ng kalsada sa
Barangay Bonuan Gueset pasado alas-6 ng gabi nitong Linggo nang banggain ang mga ito ng AUV bago tuluyang sumalpok sa pader ng isang bahay.
“Nagkaroon ng mechanical defect. Una, ayon sa pagsisiyasat natin, sinabi ng driver na may iniwasan siyang isang babae at saka yung tri bike. That’s the time na kinabig niya doon sa may kanan,” pahayag ni Police Lieutenant Colonel Brendon Palisoc, hepe ng Dagupan Police Station, sa panayam ng GMA News.
Nasawi ang siyam na taong gulang na si Russel Aquino.
“Bago po pupunta ng eskwela, magpapaalam, hahalik muna sa akin. Hindi po mababayaran ng kung ano man yung pagkakamatay sa anak ko. Hindi ko matanggap,” ayon sa ina ng biktima na si Maribel Aquino, kasabay ng panawagan para sa hustisya sa pagkamatay ng kanyang anak.
Ang iba pang mga biktima ay edad pito hanggang 13 taong gulang na pawang mga magkakamag-anak at magkakaibigan.
Nagtamo ang mga ito ng pinsala sa kanilang binti, braso, at kamay.
Anim sa mga sugatan ang nakalabas na sa ospital habang ang dalawa ay ginagamot pa rin, kabilang ang isang bata na nahiwa ng isang metal mula sa nasirang pader.
Sa imbestigasyon, pauwi na ang AUV driver mula sa Malasiqui nang mangyari ang insidente.
“Ipinagdarasal ko na kung maaari, mapatawad ako ng pamilya. Hindi ko sinadya. Wala naman pong taong sasadyain na mangyari yun,” ayon sa suspek. RNT/JGC