Home METRO 1 patay sa sunog na sumiklab sa napabayaang charger sa Makati

1 patay sa sunog na sumiklab sa napabayaang charger sa Makati

MANILA, Philippines – Isang napabayaang charger ng cellphone ang itinuturong posibleng dahilan ng sunog sa isang residential area sa Guadalupe Viejo, Makati City na nagresulta sa pagkamatay ng isang matandang lalaki noong Miyerkules ng hapon.

Mabilis na kumalat ang apoy at umabot sa second alarm tatlong minuto lamang matapos itong sumiklab sa Jasmin corner Champaka Street.

Habang nilalabanan ng mga bumbero ang sunog, nagkaroon ng pagsabog, na lalong nagpahirap sa pag-apula ng apoy. Idineklarang under control ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang sunog bandang 1:53 p.m.

Kinilala ang biktima na si Arturo Opeñano, 75 taong gulang, na ayon sa kanyang pamilya ay mahina na ang paningin at mabagal na kumilos.

Ayon sa kanyang anak, nasa trabaho siya noong mangyari ang insidente kaya’t mag-isa ang kanyang ama sa bahay nang sumiklab ang sunog.

Matapos maapula ang apoy, inimbestigahan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang pinangyarihan ng sunog bago dinala ang bangkay ng biktima sa isang funeral home.

Bukod sa nasawi, tatlong tao ang nagtamo ng first-degree burns at pitong pamilya ang naapektuhan ng insidente. Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang eksaktong sanhi ng sunog. RNT