MANILA, Philippines – Nasa isa sa bawat apat na nasa tamang edad na Pilipino ang nakaranas na ng anumang uri ng pagtataksil o cheating sa isang relasyon, ayon sa survey ng Social Weather Stations (SWS) na inilabas nitong Huwebes.
Batay sa survey, 27 porsiyento ng mga respondent ang nagsabing sila ay nakaranas o nakasaksi ng infidelity, habang 72 porsiyento ang nagsabing hindi.
Tinanong ang mga kalahok: “Nakasaksi o nakaranas na ba kayo mismo ng anumang uri ng pangangaliwa o pagtataksil o ‘cheating’ sa isang relasyon? Kung oo, anong klase po ito?” at pinayagan silang magbigay ng higit sa isang sagot.
Sa mga nag-ulat ng karanasan sa cheating, 11 porsiyento ang tumukoy sa physical cheating at 11 porsiyento sa emotional cheating.
Tig-6 porsiyento naman ang nagbanggit ng cybercheating at object cheating, habang 5 porsiyento ang nagsabi ng financial cheating. Naiulat din ang micro-cheating sa 4 porsiyento, at ang combined cheating sa 8 porsiyento.
Ipinakita rin ng survey ang magkakahalong pananaw sa muling pagbubuo ng tiwala matapos ang pagtataksil. Ayon sa resulta, 43 porsiyento ang naniniwalang maaari pa itong maibalik, 36 porsiyento ang nagsabing hindi na, at 19 porsiyento ang nanatiling hindi tiyak.
Isinagawa ang Fourth Quarter 2025 Social Weather Survey mula Nobyembre 24 hanggang 30, 2025 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 na adulto sa buong bansa.
Mayroon itong margin of error na ±3 porsiyento para sa national results at ±6 porsiyento para sa bawat lugar. Santi Celario