MANILA, Philippines – Sugatan ang isang indibidwal sa naganap na sunog na tumupok sa 20 kabahayan sa Pasay City Miyerkules ng hapon, Marso 25.
Hindi napangalanan ang sugatan na indibidwal na naiulat na nasa maayos namang kalagayan.
Base sa inisyal na report ng Pasay City Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog bandang alas 4:07 ng hapon sa isang bahay na matatagpuan sa 115 David St., Brgy. 23, Pasay City.
Naiulat ang unang alarma ng alas 4:13 ng hapon kung saan mabilis ang naging pagkalat ng apoy kung kaya’t itinaas ang sunog sa ikalawang alarma bandang alas 4:20 ng hapon.
Mabilis na kumalat ang apoy dahil dikit-dikit ang mga kabahayan na nakatayo sa 200 metro/kudradong lupa sa nabanggit na lugar kung saan gawa lamang ang mga ito sa semi-light materials.
Dakong alas 4:52 ng hapon ay naitala ang fire under control habang ang fire out ay idineklara ng alas 5:30 ng hapon.
Tinatayang aabot sa P50,000 ang halaga ng pinsala habang patuloy pa rin ang pagsasagawa ng imbestigasyon upang matukoy ang dahilan at pinanggalingan ng naturang sunog.
Pansamantalang nanunuluyan sa covered court na malapit sa lugar ang mga naging biktima ng sunog na may 100 kataong nawalan ng tirahan kung saan binisita ang mga ito ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano at agad na inatasan ang PSWDD na magsagawa ng operasyon para sa pamamahagi ng relief goods kasama ang mga ready to eat food packs, mineral water, blankets, toiletries at iba pang basic commodities. (James I. Catapusan)