CEBU, Philippines – Isang security guard ang inaresto matapos umanong barilin ang dalawang lalaki sa Barangay Calamba, Cebu City noong Biyernes, Marso 27, na ikinamatay ng isa at ikinasugat ng isa pa.
Ayon sa pulisya, posibleng personal na alitan ang motibo sa insidente, matapos umanong sabihin ng suspek na matagal na siyang binu-bully ng mga biktima. Gayunman, patuloy pa ring iniimbestigahan ang totoong dahilan.
Naganap ang pamamaril bandang 10:05 a.m. at agad rumesponde ang Sawang Calero Police Station.
Kinilala ang mga biktima na sina Renato Belanizo, 52, at Vicente Gemuta, 42, parehong residente ng Sitio San Antonio.
Ayon sa imbestigasyon, pinaputukan ng suspek ang dalawang biktima bago dumating ang mga pulis.
Ang suspek ay kinilalang si Joel Orocay Rentuma, 48, isang security guard na nakatira sa Barangay Punta Princesa, at agad na inaresto sa pinangyarihan ng krimen.
Nakuha sa kanya ang isang .38 caliber revolver na may isang bala at apat na basyo.
Dinala ang mga biktima sa Cebu City Medical Center, ngunit idineklara si Gemuta na patay bandang 11:20 a.m. Samantala, si Belanizo ay inilipat sa Vicente Sotto Memorial Medical Center para gamutin.
Ayon sa pulisya, parehong tinamaan sa ulo ang mga biktima.
Inihahanda na ang mga kasong murder at frustrated murder laban sa suspek, at maaari pa itong gawing dalawang bilang ng murder kung sakaling mamatay ang sugatang biktima.
Iniimbestigahan din ng mga awtoridad ang background ng suspek, na may ulat na dati na siyang nahatulan sa kasong homicide noong 2011 at nakulong ng mahigit 10 taon. RNT/MND