CAVITE, Philippines – Isang lalaki ang namatay habang dalawa ang sugatan matapos pagbabarilin ng tatlong armadong lalaki sa General Trias City, Cavite.
Kinilala ng pulisya ang nasawi na si alyas Abraham, nasa hustong gulang at residente ng Pabahay 2000, Barangay San Francisco. Tinamaan siya ng bala sa ulo at idineklarang patay.
Sugatan naman sa kaliwang braso sina alyas Ronelio at alyas Mahaimen, kapwa mula sa Green Meadow Subdivision, Hoa Street, Barangay Catimon, Malabon City.
Ayon sa imbestigasyon, dakong ala-1:00 ng hapon nang pagbabarilin sina Ronelio at Abraham habang nakaupo sa gilid ng kalsada sa Section 1, Tropical Village, Pabahay 2000. Hindi rin nakaligtas si Mahaimen na naglalakad lamang patungo sa isang tindahan nang barilin ng isa sa mga suspek.
Isa sa mga suspek ang nakilalang si alyas John, residente rin umano ng lugar, habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng dalawa niyang kasamahan.
Matapos ang pamamaril, mabilis na tumakas ang mga suspek sa hindi pa matukoy na direksiyon.
Patuloy ang backtracking ng pulisya sa mga CCTV footage upang matukoy ang dinaanan at pagkakakilanlan ng mga suspek. Inaalam din ang motibo sa pamamaril. Margie Bautista