Home METRO Adult dugong, natagpuang patay sa baybayin ng Antique

Adult dugong, natagpuang patay sa baybayin ng Antique

1
0

ANTIQUE, Philippines – Isang adult dugong o sea cow ang natagpuang patay sa baybayin ng Barangay Aras-Asan, Sebaste, Antique nitong Lunes ng umaga.

Agad na rumesponde ang mga awtoridad at sinuri ang bangkay upang matukoy ang posibleng sanhi ng pagkamatay at maayos itong mapangasiwaan.

Ayon kay Flord Nicson Calawag, isang licensed fisheries technologist at biodiversity researcher, mukhang malaki at nasa hustong gulang ang dugong batay sa mga larawan.

“From these photos, the dugong appears to be a large adult species. There are some superficial marks and abrasions visible on the body, but the photographs alone cannot establish the cause of death,” ani Calawag.

Posibleng inanod sa dalampasigan ang dugong dahil sa malalakas na alon dulot ng habagat.

“There is a strong possibility that the adult dugong was washed ashore by strong waves associated with the prevailing Habagat in Antique,” aniya.

Gayunman, sinabi niyang hindi nito matutukoy kung ano ang tunay na sanhi ng pagkamatay.

“A proper examination or necropsy is necessary to establish the cause of death and determine whether it may be linked to fishing activities, ingestion of marine debris, vessel collision, disease or other natural or human-related factors,” dagdag niya.

Wala pang inilalabas na resulta ang mga awtoridad sa pagsusuri sa bangkay at hindi pa rin natutukoy kung kailan at paano namatay ang dugong.

Nangyari ito isang araw matapos tulungan ng mga residente ang isang juvenile dugong na na-stranded dahil sa low tide sa Liwagao Island, Barangay Sibolo, Caluya, Antique. Matagumpay itong naibalik sa dagat noong Setyembre 6.

Walang indikasyong magkaugnay ang dalawang insidente, ngunit nagbigay ito ng panibagong pansin sa presensya ng mga dugong sa karagatan ng Antique at sa pangangailangang protektahan ang kanilang coastal habitat.

Ang dugong ay kumakain ng mga halaman at pangunahing umaasa sa seagrass meadows sa mababaw na bahagi ng dagat. Mabagal din silang dumami kaya malaking epekto sa populasyon ang pagkamatay ng mga adult na maaaring magparami.

Kabilang sa mga banta sa dugong ang aksidenteng pagkakasabit sa fishing gear, pagtama ng mga sasakyang-dagat, panghuhuli, at pagkasira o pagkawala ng kanilang seagrass habitat.

Binigyang-diin ni Calawag na hindi maaaring ituro ang alinman sa mga ito bilang sanhi ng pagkamatay ng dugong sa Sebaste hangga’t walang maayos na pagsusuri sa bangkay. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here