MANILA, Philippines – Patay ang isang tricycle driver habang dalawa ang sugatan matapos ang salpukan ng tricycle at kotse sa isang kurbadang bahagi ng kalsada sa Diadi, Nueva Vizcaya.
Ayon sa pulisya, patungong hilaga ang kotse na minamaneho ng isang residente ng Cauayan City nang biglang pumasok sa linya nito ang tricycle na minamaneho ng 50-anyos na driver mula Poblacion, Diadi, na may sakay na dalawang babaeng pasahero.
Dahil sa paglabag sa double yellow line sa pakurbadang bahagi ng kalsada, nagresulta ito sa head-on collision na ikinasugat ng mga sakay. Isinugod sa ospital ang mga biktima ngunit idineklarang dead on arrival ang driver ng tricycle.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang driver ng kotse habang iniimbestigahan ang insidente. Rey Velasco