Home METRO 10-anyos tigok, 2 sugatan sa bomba sa ilog sa North Cotabato

10-anyos tigok, 2 sugatan sa bomba sa ilog sa North Cotabato

1
0

KIDAPAWAN CITY – Nasawi ang isang 10-anyos na lalaki habang dalawa pang bata ang nasugatan matapos sumabog ang isang unexploded ordnance (UXO) o hindi sumabog na bomba sa Barangay Ganatan, Arakan, North Cotabato nitong Lunes ng umaga.

Kinilala ni North Cotabato police director Colonel Ramel Hojilla ang nasawi na si alias “Matt,” 10-anyos. Sugatan naman sina alias “Jim,” 17-anyos, at alias “Jil,” 8-anyos, na pawang residente ng Barangay Ganatan. Patuloy silang ginagamot sa isang ospital sa bayan ng Arakan.

Batay sa paunang imbestigasyon, naliligo at nagtatampisaw sa isang sapa ang tatlong bata nang mangyari ang pagsabog.

“Initial investigation indicated that one of the children had found the UXO and reportedly struck it against a rock, triggering the explosion,” ani Hojilla sa panayam sa DXND Radyo Bida Kidapawan.

Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng 72nd Infantry Battalion ng Philippine Army na nagsasagawa ng patrol operation sa lugar at isinugod sa ospital ang mga biktima. Idineklara namang dead on arrival ang isa sa kanila.

Patuloy ang isinasagawang post-blast investigation ng Provincial Explosive Ordnance Disposal and K9 Unit upang matukoy ang pinagmulan ng sumabog na bomba. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here